Sa lahat ng mambabasa, isa itong sulatin na puno ng damdamin at pagmamahal. Sana'y masiyahan kayo sa pagbasa.
Sa Mascian Batch '08, para sa inyo ito..
Ilang taon na ba? Tila nawala na ako sa bilang. Ang alam ko na lamang ay matagal na akong nakakapit sa dingding na ito, katabi ang mga tropeo, isang munting bahagi ng institusyon kung saan ang mga pinakamagagaling ay nagsasama at nakabubuo ng pagtatalamitam.
At ano nga ba ako? Isang manipis at babasaging bagay na nilagyan ng piraso ng kahoy sa talim bilang proteksyon. Dinaanan na rin ng libong mag-aaral upang pagmasdan ang kanilang mga sarili. Isa akong elemento ng katotohanan at malay-tao.
At sino nga ba ang nakaaalam ng nadarama ko? Ang mga tao sa paaralang ito’y may natatanging talino. Marahil ay tinalakay na nila sa klase na ang isang tulad ko ay walang buhay. Sa kanila’y isa lang akong bagay, walang pag-iisip at damdamin.
Sa loob ng ilang taon, tinanggap kong ganoon lang talaga ako. Isa-isa ko lang pinagmasdan ang mga mag-aaral na tumatayo sa harapan ko. Nilibang ko ang aking sarili sa kanilang tingin at ngiti.
Subalit isang araw ay nagbago ang aking paningin. Isang musmos na katauhan ang tumambad sa akin. Unang taon mo pa lang noon, natatakot ngunit sabik sa bagong kabanata ng iyong buhay. May kaba sa iyong ngiti, subalit may kakaibang kislap ang iyong mga mata.
Sa bawat araw na humihinto ka sa harap ko, nagagambala kung ayos ba ang mahaba mong buhok, kung malinis ba ang iyong blusa at palda, at kung may dumi ba sa iyong kasiya-siyang mukha, ninais kong maging kaibigan ka.
Noon ako’y nakaramdam ng labis na kalungkutan, sapagkat noon ako hinampas ng katotohanang hindi ako maaaring humiwalay sa dingding na ito.
At hinayaan kong lumipas ang mga taon. Nabago ang kulay ng dingding at nadagdagan din ang mga tropeo sa aking tabi. Marami-rami na rin akong taglay na gasgas, tanda ng mahaba kong panahon dito sa paaralan.
Maging sa iyo ay bakas din ang paglipas ng oras. May kumpiyansa na sa iyong tayo, at may ibang saya sa iyong labi. Ikaapat na taon mo na rito at nakita kong handa ka nang harapin ang bagong buhay.
Hindi ko makalilimutan ang bawat sandaling narito ka, ilang pulgada mula sa dingding na kinakapitan ko. Sa tuwing ika’y masaya, nadarama ko ang labis na ligaya sa iyong mga ngiti. Sa tuwing ika’y nakadarama ng kaba, pansin ko ang panginginig ng iyong mga kamay. Kapag marami kang iniisip at problema, nalalaman ko ito sa iyong paghinga. At kung ika’y malungkot, nakikita ko iyon sa napakaganda mong mga mata. Sa loob ng apat na taon, lubusan na kitang nakilala.
Noon ko napagtantong hindi lang ako bagay na nagpapakita ng anyo ng sinumang tatayo dito sa harap ko. Layon ko ring ipakita ang kanilang tunay na kalooban, kung pagmamasdan lang nila akong mabuti. Lahat iyan ay nalaman ko dahil sa iyo.
At ngayon, narito ka, sa huling araw mo sa paaralan. Ito na ang huling tingin, ang huling ngiti.
Sana’y nalaman mong masaya ako sa tuwing nakikita kita, malungkot ako sa tuwing may guhit ng luha sa iyong mga pisngi.
Sana’y nasabi kong nasa iyong mga mata ang iyong nadarama, nasa maputla mong labi ang makakabuluhang salita, at nasa maganda mong mukha ang napakabuti mong kalooban.
At ano nga ba ako upang sabihin sa iyo ang mga ito? Isang manipis at babasaging bagay na nahulog ang loob sa iyo. Hanggang dito na lamang ako sa dingding na ito, habang ika’y magtutungo na sa ibang dako. Kailangan kong tanggapin na ganito lamang ako.
Sa isang salamin, sapat na ang ibigin ka.